Bataan idineklarang bird flu-free na - DA
MANILA, Philippines — Mismong ang Department of Agriculture (DA) ang nag-anunsiyo kahapon na bird flu-free na rin ang lalawigan ng Bataan.
Sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 39, series of 2022, ng DA, na may petsang Nobyembre 14, 2022, idineklara ni Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban na malaya na ang Bataan mula sa avian influenza o bird flu.
Matatandaang ang Bataan ay unang naapektuhan ng highly pathogenic avian influenza (HPAI) subtype H5N1 noong Marso 2022, matapos na isang backyard mallard duck farm ang nagpositibo mula sa virus.
Ayon kay Panganiban, matapos ma-detect ang karamdaman, kaagad na nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng Bataan, sa pakikipag-koordinasyon sa DA Regional Field Office III at Bureau of Animal Industry (BAI), ng disease investigation, immediate depopulation, cleaning at disinfection, movement restrictions at surveillance sa mga apektadong lugar.
“Results of subsequent disease monitoring in the one-kilometer and seven-kilometer surveillance zones surrounding the affected farms yielded negative results for influenza type A virus. The last HPAI H5N1 laboratory detection was on March 22, 2022,” dagdag pa ng DA official.
Sinabi ni Panganiban na naideklarang bird flu free ang Bataan matapos ang joint efforts ng mga local government units (LGUs), DA Regional Field Office, at BAI, sa pagpapatupad ng epektibong pamamaraan upang makontrol at mapigilan ang pagkalat pa ng karamdaman.
Batay sa datos ng BAI, lumilitaw na wala na silang naitalang mga kaso ng bird flu sa lalawigan mula Oktubre 14 hanggang 20, 2022.
Nabatid na nasa 9 na rehiyon, 18 lalawigan, 68 munisipalidad, at 136 barangay ang naapektuhan ng avian influenza simula pa noong Enero ng taong ito.
Bukod sa Bataan, una na ring idineklarang bird flu free ang mga lalawigan ng Camarines Sur at Davao del Sur.
- Latest