CAVITE, Philippines — Nasa P2.1 milyong halaga ng mga antique paintings ang nilimas umano ng isang katiwala sa tatlong bahay bakasyunan ng isang negosyante kamakalawa ng gabi sa Barangay Esperanza, bayan ng Alfonso, dito.
Personal na nagtungo sa pulisya ang nagmamay-ari ng mga antigong paintings na si Francis Francis, 63-anyos ng Barangay Esperanza, Alfonso, Cavite.
Naaresto naman ang suspek na si Virgilio Roldan De Lima, 30, stay-in caretaker sa bahay ng biktima.
Sa ulat mula kay Police Major Rommel Dimaala, hepe ng pulisya sa bayang ito, alas-6:30 ng umaga nang magtungo sa kanilang himpilan ang biktima at nagharap ng reklamo laban sa kaniyang caretaker na tumangay umano sa mga antique painting collections nito at mga sagradong imahe na aabot lahat sa halagang P2,150,000.
Ayon sa biktima, nadiskubre ang pagnanakaw sa mga antique, mamahaling painting at imported sacred images nang bisitahin nito ang kaniyang bahay bakasyunan sa Brgy. Esperanza Ilaya.
Sa pagsisiyasat, walang bakas na puwersahang pinasok ang bahay.
Sumunod na nadiskubre ng biktima na nawawala ang mga mamahaling paintings nito na nakalagay sa kanyang warehouse at sa isa pang bodega sa may Brgy. Luksuhin Ibaba, Alfonso. Nawawala rin sa loob ng isa pa nitong bahay sa Brgy. Zambal, Tagaytay City ang dalawang mamahaling paintings na Cristobal at San Antonio de Padua w/ infant Jesus na gawa sa ivory.
Ayon sa dalawang saksi, napansin umano nila ang suspek na may kausap sa cellphone na umano’y Lalamove driver para sa gagawing pickup ng mga kinulimbat nitong kagamitan ng amo sa Brgy. Zambal.
Sa follow-up operation ng pulisya sa tulong ng mga barangay officials, naaresto ang suspek sa Tagaytay City at narekober dito ang dalawang tinangay na paintings ng Cristobal habang hindi na nabawi ang iba pa na posibleng naibenta na ng suspek.