Bulacan, ‘hall of famer’ sa mataas na tax collection
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Ginawaran ng Hall of Fame ng Bureau of Local Government Finance (BLGF) ng Department of Finance (DOF) ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan dahil sa tatlong taon na sunud-sunod na pag-angat ng koleksiyon ng buwis.
Ito ay pagkilala bilang lalawigan na may pangatlong may pinakamalaking Local Revenue Generation at Top 2 Highest Locally Sourced Revenues.
Noong 2019, panglima sa listahan ng BLGF ang Bulacan na may pinakamataas na koleksiyon ng buwis sa mga lalawigan sa bansa na umaabot sa P679.22 milyon.
Sa taong 2020 sa kasagsagan ng pagtama ng pandemya ng COVID-19, nakakolekta pa rin ang Kapitolyo ng P1.7 bilyon mula sa iba’t ibang buwis na nakapailalim sa 2018 Revised Provincial Revenue Code.
Umangat pa lalo ang koleksiyon noong 2021 na naitala sa halagang P1.82 bilyon na kakambal ng pagiging pang-9 na lalawigan na may 78.2% na collection efficiency. Iba pa ito sa nasa P5 bilyon na natanggap na National Tax Allocation (NTA) mula sa pamahalaang nasyonal.
Bukod sa NTA, kabilang sa pinagkukuhanan ng koleksiyon ng Kapitolyo ang mga buwis mula sa mga ari-ariang hindi natitinag, upa sa mga commercial buildings na pag-aari ng Kapitolyo, environmental fees at mga upa sa mga event facilities gaya ng Hiyas ng Bulacan Convention Center, Bulacan Capitol Gymnasium at Bulacan Sports Complex.
Ayon kay Bulacan Gov. Daniel Fernando, patunay ito ng mataas na pagtitiwala ng mga Bulakenyo sa Pamahalaang Panlalawigan at maging ng mga nagpapasok ng pamumuhunan sa lalawigan upang makapagnegosyo na lumilikha ng trabaho.
Isa rin aniya itong kongkretong paghahanda ng pamahalaang panlalawigan sa pagsisimula na maipatupad ang Mandanas-Garcia ruling ng Korte Suprema.
- Latest