MANILA, Philippines — Nasa walong katao ang iniulat na nasugatan matapos umanong sumabog ang pagawaan ng paputok sa Sitio Manggahan, Brgy. Pulong, Santa Maria, Bulacan, kahapon.
Sa inisyal na ulat ni Acting Bulacan Police Director P/Col. Relly Arnedo, naganap ang pagsabog, ala-1:00 kahapon sa GLK Fireworks.
Nakarinig umano ng malakas na pagyanig at pagsabog ang mga kalapit na residente sa nasabing barangay at ilang saglit pa ay makapal na usok na ang tumambad sa kanila.
Ang mga nasugatan at nagtamo ng severe at minor injuries ay pawang mga empleyado ng nasabing pagawaan kasama ang may-ari ng bahay na nakilalang sina Jessie Cruz, 52;Lourdes Policarpio 43; Monrenzo Victoria, 26; Marissa Victoria, 58, na pawang mga ginagamot sa Rogaciano Mercado Memorial District Hospital.
Ang apat pang nagtamo ng minor injury at ginagamot sa Pulong Buhangin Clinic ay sina Teofila Horfilla, 58, Mary Ann Horfilla, 27, Amanda Vicente, 61; at Christine Bellera Amper, 35.
Napag-alaman na ang pagawaan ng paputok ay nasa unang palapag ng bahay ng biktima.
Aksidente umanong nag-spark ang ginagawa nilang five star at doon na nagsiklab ang mga ginagawa nilang paputok hanggang sa ito ay sumabog.
Wala namang iniulat na nasawi sa naganap na pagsabog at inaalam pa ng mga otoridad ang halaga ng mga ari-arian na tinupok ng nasabing pagsabog.