Pabrika ng paputok sumabog sa Bulacan; mga sugatan isinugod sa ospital

Makikita sa larawang ito ang usok na nagmula sa sumabog na pagawaan ng paputok sa Brgy. Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan, ika-3 ng Nobyembre, 2022
Video grab mula sa Facebook page ni Mark Louie Angeles

MANILA, Philippines — Sumabog ang isang pagawaan ng paputok sa Sta. Maria, Bulacan, Huwebes, bagay na nagdulot ng pagkasugat ng ilang katao.

Sa ulat ng News5, bandang 1 p.m. nang mangyari ang pagsabog sa Brgy. Pulong Buhangin na siyang kilala para sa industriya ng paputok.

 

"Niyanig ng tatlong malalakas na pagsabog ang kalakhang Partida-Pulong Yantok sanhi ng pagsabog ng pabrika ng paputok sa Sitio Manggahan, Brgy. Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan, ala-1:00 ng hapon," sabi ng opisyal na Facebook page ng Angel M. Del Rosario High School kanina.

"Bahagyang naantala ang klase ng mga mag-aaral at agarang isinagawa ang Duck, Cover, and Hold... Ligtas at maayos na nakalabas ang lahat ng mga mag-aaral, guro, at pamunuan."

 

Sinasabing aabot na sa apat na katao ang isinugod sa ospital matapos ang pagsabog, ayon sa kapulisan sa ulat ng ABS-CBN News. Agad naman daw naapula ang idinulot nitong sunog matapos ang isang oras.

Makikita sa video na ito ng Facebook user na si Raffy Andres kung paanong binuhat ang mga nagtamo ng injury dulot ng pagsabog. Tila lapnos-lapnos ang katawan ng nabanggit.

 

 

 

 

 

Humihingi pa ang Philstar.com ng pahayag mula sa Bureau of Fire Protection patungkol sa nasabing insidente ngunit hindi pa nakakukuha ng tugon. — James Relativo

Antabayanan ang mga karagdagang detalye sa balitang ito

Show comments