Rape at pagnanakaw sa biktima, inamin
PILI, Camarines Sur, Philippines — Isang “person of interest” na sumailalim sa imbestigasyon ang inaresto matapos umano nitong amining pinatay at ginahasa saka niya pinagnakawan ang 18-anyos na senior high school student ng Ateneo de Naga University na natagpuan sa madamong lugar habang nababalutan ng sako ang katawan sa Brgy. Cadian, ng bayang ito kamakalawa ng hapon.
Maituturing na ng Pili Police na case solved ang kasong pagpatay sa dalagang estudyanteng si Irish Mae Payonga ng Brgy. Marupit, Camaligan kasunod ng pag-amin ng suspek sa krimen na si Reymark Belleza, 18-anyos, pedicab driver at residente ng Brgy. Cadlan, Pili, Camarines Sur.
Si Belleza ay sinampahan na rin kahapon ng kasong robbery, rape with murder matapos niyang aminin sa mga nag-iimbestigang pulis at sa harap ng abogado mula sa Provincial Prosecutor’s Office ang pagnanakaw, pagpatay at panggagahasa nito sa biktima.
Sa ulat, unang itinuring ng mga pulis si Belleza bilang person of interest sa krimen.
Gayunman, habang nasa proseso ng pagtatanong ay umamin umano si Belleza na siya ang gumawa ng karumal-dumal na pagpatay sa biktima.
Napilitang umamin ang suspek nang ipakita ng mga pulis ang kopya ng CCTV camera na ang kanyang pedicab ang nakitang sinakyan ng biktima na patungo sana sa Provincial Capitol Complex para dumalo sa pagtitipon ng kanilang simbahan pero hindi na nakarating at tatlong araw na nawala. Siya rin ang itinuturo ng isa pang pasahero na katabi ng biktima, na sinakyan nila na nangangamoy alak pa.
Inamin ng suspek na pinatay niya ang biktima sa pamamagitan ng pagtakip sa bibig at ilong nito hanggang sa hindi na makahinga at ginahasa saka niya tinangay ang cellphone ng biktima.