Hinihinalang biktima ng rape
Pili, Camarines Sur, Philippines — Hustisya ang sigaw ng mga kaanak, kaklase at kakilala ng isang 18-anyos na dalagang estudyante ng Ateneo de Naga University na ilang araw nang naiulat na nawawala matapos matagpuang patay at inaalam kung ginahasa sa madamong bahagi ng Brgy. Cadlan, Pili, Camarines Sur kamakalawa ng hapon.
Unang naiulat noong Biyernes ng mga magulang at kamag-anak ang pagkawala ng biktimang si Irish Mae Payonga, residente ng Zone-5, Brgy. Marupit, Camaligan, senior high school ng nasabing unibersidad nang magpaalam na pupunta ng Pili Capitol Convention Center para dumalo sa malaking okasyon ng simbahan na “tabernacle revival night.”
Sa ulat, alas-4 ng hapon, nagulat ang ilang residente nang matagpuan ang namamaga nang bangkay ng dalaga na walang saplot pang-ibaba at natatakpan ng mga sako ng semento.
Positibo namang kinilala ang bangkay ng kanyang mga magulang habang nag-match ang suot na maong-jacket, itim na t-shirt, maong pants at rubber shoes na gamit nito nang magpaalam.
Inaalam pa sa resulta ng autopsy sa bangkay kung paano ito pinatay at kung nagahasa ang biktima.
Base sa nakuhang kopya ng mga imbestigador sa dashcam ng JC Liner bus patungong kapitolyo ay nakita pa ang biktima dakong alas-5:44 ng hapon habang sakay ng bus paalis sa grand terminal ng Naga City.
Kahapon ng umaga ay isang 18-anyos na binata na pedicab driver ang dinampot ng Pili Police na posibleng nasakyan ng biktima mula sa highway patungo sa kapitolyo na itinuturing na isa sa person of interest.