Binata nakuryente sa daan sa kasagsagan ng bagyo
CAVITE, Philippines — Nangisay ang isang 28-anyos na binata makaraang makuryente habang naglalakad pauwi sa loob ng Sarreal Subdivision sa Barangay Bucandala 2, Imus City sa kasagsagan ng pagbayo ng bagyong Paeng nitong Sabado ng gabi.
Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang biktima na nakilalang si Macario Fabianas Domingo Jr., merchandiser ng All Homes at residente ng Blk. 32 Lot 1 Momterra Homes, Brgy. Bucandala 5, Imus City.
Sa ulat ni Police Sergeant Joselle Hernandez, may hawak ng kaso, alas-6 ng gabi, habang pauwi ang biktima at naglalakad sa kalsada nang hindi nito napansin ang nakalaylay na kawad ng kuryente sa kalsada at aksidenteng mapadikit.
Agad na nangisay ang biktima nang mabilis na dumaloy sa kanyang katawan ang malakas na boltahe ng kuryente.
Nahirapan pa ang mga residente at rescuers na madala agad sa pagamutan ang biktima makaraang pumulupot sa katawan nito ang kawad ng kuryente.
- Latest