40 flash floods, 3 landslides sa pagtama ni ‘Paeng’ sa Calabarzon
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Nagtala ng kabuuang 40 na lugar na binaha habang tatlo ang insidente ng landslide at 24 ang natumbang mga puno at poste ng kuryente dulot ng pananalasa ng bagyong Paeng sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon).
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council-Calabarzon, ang lalawigan ng Cavite at iba pang lugar sa Laguna kabilang ang Mabitac, lungsod ng Cabuyao, San Pedro, Calamba, Sta. Rosa at mga bayan ng Pangil, Sta. Maria, Siniloan ay nasa Signal number 2 sa pagtama ng bagyo. Samantala ang iba pang bahagi ng Laguna ay nasa Signal No. 1 nitong Sabado.
Kabilang din sa dumanas ng Signal No.2 ay ang Batangas, Rizal at Quezon kasama na ang Northern portion ng mainland Quezon-General Nakar at Infanta habang ang Quezon kabilang ang Pollilo Islands ay Signal No. 1.
Nasa 4,461 pamilya na binubuo ng 14,794 indibiduwal ang nananatili sa may 35 evacuation centers at 36 barangay ang apektado sa bagyong Paeng sa may 12 local government units sa Calabarzon.
May 117 power interruptions ang naiulat din sa 44 munisipalidad sa rehiyon, 24 dito ang naibalik na ang kuryente.
Samantala, isang Chinese vessel na may 21 Chinese crew ang stranded at pansamantalang nakahimpil sa baybayin ng Pitogo, Quezon.
Bago mag-landfall si Paeng, agad na nag-isyu ang Coast Guard Station-Batangas ng Sea Travel Advisory No.4 nitong Biyernes na nagsususpinde sa lahat ng biyahe sa mga pantalan ng Batangas kabilang ang paglalayag ng Starlite Shipping Line mula Batangas City patungong Caticlan hanggang sa maglabas ng panibagong abiso.
Naglabas din ang Coast Guard Station-Northern Quezon ng Sea Travel Advisory No.2 na nagkakansela sa lahat ng biyahe ng mga motor bancas at maliliit na barko sa lahat ng pantalan sa Northern Quezon na epektibo nitong Biyernes.
Nagsuspinde rin ng paglalayag sa karagatan sa Port of Dalahican, Lucena City sa pamamagitan ng PCG-Southern Quezon Sea Travel Advisory No.1 noong Huwebes at sa Port of Batangas mula sa PCG Batangas Sea Travel Advisory No.2 noong Oktubre 27.
Nasa kabuuang 216 indibiduwal ang stranded sa may 12 ports sa rehiyon na may 58 rolling cargoes, 3 vessels, at 6 motor bancas; 36 vessels at 15 motor bancas ang kasalukuyang nakahimpil at nakakanlong ang mga crew nito.
- Latest