Sinira ni ‘Paeng’ sa Kabikulan nasa P93 milyong; 1 patay at 1 nawawala

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Umabot na sa inisyal na P93,101,291 ang tinata­yang naging danyos habang isa ang naiulat na nasawi at isa ang nawawala matapos ang paghagupit ng bagyong “Paeng” sa Kabikulan.

Sa ulat ng Office of Civil Defense regional office sa pangunguna ni regional director Claudio Yucot ang may pinakama­laking napinsala sa Bicol ay ang agrikultura lalo na sa palay, mais, high value crop at fisheries na umabot sa 91,701,291 piso halaga. Sa lalawigan ng Camarines Sur ang na-iulat na may pinakamala­king napinsala sa palayan, mais, high value crop at palaisdaan na umabot sa 66,587,740.63.

Sa Albay, nasa P22, 074,116.44 ang nasirang palayan. Ang Masbate ay nagkaroon ng danyos na 2,910,000 piso sa pagkasira ng ilang palaisdaan habang P129,433.96 ang nasira namang high value crop sa Sorsogon.

Maliban sa agrikultura, nasa P1,400,000 ang nasira sa imprastraktura matapos masira ang isang tulay at flood control sa Camarines Sur.

Isa naman ang naiulat na nasawi sa Mandaon, Masbate. Isa ang nawawala sa Mercedes, Camarines Norte at apat ang nasu­gatan mula sa Sorsogon.

Simula noong Sabado ng hapon hanggang kahapon, karamihan sa 28,462 pamilya o 111,579 katao na sumilong sa mga evacuation centers sa buong rehiyon ay nakauwi na makaraang mag-utos ng decampment ang mga lokal na pamahalaan.

Unti-unti namang nabawasan ang aabot sa 4,655 na stranded na pasahero sa buong rehiyon makaraang payagan nang maglayag ang mga barko kung saan 2,952 dito ay nasa iba’t ibang pantalan habang 1,703 ang nasa kahabaan ng Maharlika National Highway lulan ng mga bus, cargo trucks at mga sasakyan na patungong seaports.

Show comments