COTABATO CITY, Philippines — Tatlong wanted persons na kasapi umano ng kilabot na carnapping syndicate ang napatay matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa bayan ng Salipada K. Pendatun sa Maguindanao del Sur nitong Huwebes.
Kinilala ng pulisya ang mga napatay sa shootout na sina Dang Mamedtad, Cosme Malawan at Ronald Oriol. Sila ay pawang dead-on-the-spot dahil sa dami ng tinamong mga tama ng punglo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay Brig. Gen. John Guyguyon, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, aarestuhin na sana ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ang target sa operasyon na si Jehar Siya sa Barangay Midkundig ng nasabing bayan nang pumalag umano ito at mga kasamahan na nagresulta sa umaatikabong palitan ng putok.
Sa rekord, si Siya ay kabilang sa nakatalang wanted person dahil sa mga carnapping cases na nakabinbin sa mga korte. Nagawa niyang makatakas sa kasagsagan ng operasyon habang napatay ng mga miyembro ng CIDG-Bangsamoro Regional Field Office ang tatlo nitong kasamahan.
Sinabi ng mga lokal na opisyales na sangkot din si Siya sa large-scale trafficking ng shabu sa Salipada K. Pendatun at iba pang kalapit na mga bayan.