‘Drug queen’, 2 pa tiklo sa raid sa Baguio
BAGUIO CITY, Philippines — Isang 35-anyos na hinihinalang “drug queen” kasama ng kanyang mga “Lieutenants” ang inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI)-Cordillera at Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera matapos ang isinagawang pagsalakay sa isang apartment na nasa 3-storey building na ginagawa umanong drug den sa Purok 8, Bakakeng Norte ng lungsod nitong Huwebes ng gabi.
Ayon sa ulat, nakabili ng halagang P1,000 ng shabu ang isang dating drug dependent na naging impormante ng gobyerno mula kay Cristina Escopete, 45, na kalapit nito ng tirahan sanhi upang magbigay ng signal sa mga nakaantabay na operatiba ng NBI at PDEA para pasukin ang naturang apartment.
Naaktuhan sa nasabing lugar ng raiding team ang suspek at dalawa pang kasamahan. Nang sila ay kapkapan, nakuha sa kanila ang sachet ng shabu na tumitimbang ng isang gramo sa wallet ni Escopete.
Bagama’t walang nakumpiska mula kay wifi cable installer Jason Prodon, 32, pitong sachet ng shabu ang nakita sa ball cap ng isang Steven Donne Rivera Halili, 27, na ninirahan sa kalapit na lugar. Isang miniature digital weighing scale ang nakita pa mula sa bulsa ni Halili.
Paliwanag ni Prodon, binalaan niya sina Escopete at Halli na itigil ang pagdadala ng mga estranghero sa loob ng kanilang apartment, at lumalabas na nakipag-negosasyon siya sa building owner ng nakalipas na mahigit isang buwan para payagan siyang mag-renta sa apartment sa halagang P6,000.
Sinabi naman ng nagmamay-ari ng gusali na si Josephine Laroco na madalas nilang mapansin na may mga motorcycle-riding men ang dumarating at umaalis sa apartment sa gabi at may mga lalaki ring kinakatagpo ni Escopete sa labas ng building at may inaabot na bagay.
Nauna sa operasyon, nagsagawa ng apat na beses na test-buy operations ang NBI agents sa tulong ng dalawang government informants na may surveillance camera upang makumpirma ang illegal na aktibidad ni Escopete sa loob ng kanyang inuupahang apartment.
- Latest