4-anyos katutubong Badjao patay, 20 pa naospital sa diarrhea
LUCENA CITY, Philippines — Isang 4-taong gulang na batang katutubo na residente ng Barangay Dalahican sa lungsod na ito ang iniulat na nasawi dahil sa severe dehydration matapos tamaan ng diarrhea, kamakailan.
Ayon sa opisyal na pahayag ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP)-Lucena Community Service Center (CSC), ang batang itinago sa pangalang Teddy Boy ang pangatlong kaso ng pagkamatay mula sa Sama-Bajau IP community sa Brgy. Dalahican.
Isinugod umano ang bata sa ospital noong Huwebes ng gabi matapos makaranas ng pagsusuka at diarrhea, ngunit nasawi kinalaunan dahil sa matinding dehydration.
Sa pahayag ni Vincent Garcia, nurse mula sa nasabing tanggapan, mahigit 20 katutubo ang ginagamot sa Quezon Medical Center (QMC) dahil sa diarrhea at dehydration.
Sa ngayon, hinihintay ang resulta ng water testing na mula sa samples na nakuha mula sa komunidad ng mga Badjao sa nasabing barangay upang matukoy ang sakit at sinusuri na rin ang hygiene at sanitation sa lugar.
Patuloy na inaaksyunan ng City Health Office, Integrated Provincial Health Office, Sangguniang Barangay ng Dalahican, at NCIP Lucena ang krisis sa kalusugan ng mga katutubo sa lungsod.
- Latest