MANILA, Philippines — Isang tulay sa lalawigan ng Pangasinan ang gumuho dahil sa sinasabing “overloading”.
Ayon sa local government unit ng Bayambang, Pangasinan, overloading ang nakikita nilang dahilan sa pagguho ng bahagi ng Carlos P. Romulo bridge sa Barangay Wawa nitong Huwebes.
Ayon kay Bayambang Mayor Nina Jose-Quiambao, dalawang overloaded na truck na may kargang 40-50 tonelada ng kalakal ang dahilan ng pagbagsak ng nasabing tulay.
Lumabas aniya ito sa initial investigation ng Department of Public Works and Highways at provincial engineer.
“Meron pong warning sign doon na 20 tons lang ang pwedeng makarga ng bridge pero if I’m not mistaken, dalawang truck po kasi yung nagpass during that time. Mahigit 40-50 tons po yung nagpass,” ani Quiambao.
Pinatitignan ni Quiambao ang report na 1970 itinayo ang tulay at inayos noong 1990.
Indikasyon ito aniya na may kalumaan na ang nasabing tulay.
Dahil dito, pansamantalang gagawa ng tulay o footbridge ang DPWH at Provincial Government ng Pangasinan habang kinukumpuni ang nawasak na tulay.
Magkakaroon din ng libreng sakay papunta at pabalik ng Brgy. San Vicente-Bayambang Municipal Hall para sa mga apektadong estudyante, manggagawa at indibiduwal.