‘Obet’ posibleng lalabas na sa PAR ngayong Sabado
MANILA, Philippines — Posibleng lalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Obet ngayong Sabado ng umaga o sa bandang hapon makaraang maabot ang tropical storm category habang nasa may West Philippine Sea.
Kahapon ng hapon, napanatili ng bagyong Obet ang kanyang lakas at nasa Signal Number 1 ang bagyo ang Batanes, Babuyan Islands, at northeastern portion ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga).
Batay sa 5:00 p.m. advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Administration (PAGASA), ang sentro ni Obet ay huling namataan sa layong 75 kilometro ng silangan ng Basco, Batanes at patuloy ang pagkilos pakanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.
Taglay ni Obet ang lakas ng hangin na umaabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ang hangin na umaabot sa 70 kilometro bawat oras.
Ngayong Sabado ng umaga, makakaranas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa buong Batanes at Babuyan Islands. Katamtaman naman na pag-ulan na minsa’y makakaranas ng malakas na pag-ulan sa mainland Cagayan, Apayao, at Ilocos Norte.
Pinapayuhan ng PAGASA ang mga residente dito sa posibleng mga pagbaha at landslides dahil sa mga pag-uulan. Maalon din ang mga karagatan sa naturang mga lugar kung kaya’t pinapayuhan ang mga maliliit na bangka na huwag papalaot.
- Latest