Kaliwa Dam project sa Quezon, ipinatigil
Dahil sa pag-alma ng mga katutubo
General Nakar, Quezon, Philippines — Ipinatigil muna ang konstruskyon ng kontrobersyal na Kaliwa Dam Project sa bahagi ng General Nakar ng lalawigang ito dahil na rin sa mahigpit na pagtutol ng mga katutubong residente.
Ito ang ibinahagi ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Ernesto Adobo Jr. matapos magpahayag ng pagtutol sa naturang proyekto si Sen. Raffy Tulfo dahil sa natanggap nitong mga reklamo, sa isinagawang hybrid briefing ng Senado para sa panukalang 2023 Annual Budget ng ahensya.
Ayon kay Usec. Adobo, hindi pa naglabas ang kanilang ahensya ng Environment Compliance Certificate (ECC) para sa naturang proyekto dahil hindi pa nakakapagsagawa ng zoning sa protektadong lugar.
Aniya, hindi pa rin nagbibigay ang mga Indigenous People (IPs) ng kanilang Free and Prior Informed Consent (FPIC) na kinakailangan base sa itinatakda ng Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997 na kumikilala sa mga karapatan ng mga IPs sa kanilang ancestral lands.
Napag-alaman na ang FPIC ay isa sa kinakailangan para sa pagpapalabas ng isang Special Use Agreement in Protected Areas mula sa DENR.
Ayon kay Tulfo, maraming sektor ang tutol sa New Centennial Water Source-Kaliwa Dam Project dahil sa magiging epekto nito sa kapaligiran, maliban sa masamang epekto sa buhay at kabuhayan ng mga naninirahan dito.
- Latest