Habang namumulot ng mga kahoy
CLAVERIA, Masbate, Philippines — Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang 14-anyos na dalagita na hinihinalang pumalag sa tangkang panghahalay matapos na matagpuang basag ang ulo sa bulubunduking lugar ng Sitio Punta, Brgy. Cawayan ng bayang ito, kamakalawa ng umaga.
Pinaniniwalaang hinataw ng matigas na bagay ang ulo dahilan ng agarang pagkasawi ng biktima na itinago sa pangalang “Alona”, Grade 10 student at residente ng Sitio Punta, Brgy. Cawayan, Claveria, Masbate.
Agad namang naaresto sa hot pursuit operation ng mga rumespondeng pulis ang tumakas na suspek na kinilalang si Vicente Tawe Armamento, 58-anyos, binata na sinasabing nakikituloy lang sa bahay ng pamilya ng biktima.
Sa ulat, dakong alas-6:30 ng umaga, nagpaalam ang dalagita para mangahoy sa kanilang bukid, may 3-kilometro ang layo mula sa kanilang bahay.
Nabatid na alas-10 ng umaga ay sumunod umano si Armamento sa biktima. Ilang oras ang lumipas ay umuwi ang suspek na may dalang mga kahoy na panggatong pero hindi nito kasama ang dalagita.
Nabahala ang ilang kaanak kaya umakyat sila ng bundok at hinanap ang biktima Laking gulat nila nang tumambad sa kanila ang biktima na nakahandusay sa damuhang bahagi ng bukirin na basag at duguan ang kaliwang bahagi ng ulo. Natagpuan din sa crime scene ang isang pares ng tsinelas at cellphone.
Isinailalim na sa awtopsiya ang bangkay ng biktima para malaman ang sanhi ng pagkamatay nito at kung biktima ng panggahasa ng suspek.