Principal na misis ng pulis, bulagta sa 2 ‘akyat-bahay’

Isang tama ng ­punglo sa leeg ang agad ikinamatay ng biktimang si Beverly Ubante Cabaltera, 53-anyos, principal ng Pio Duran National High School at asawa ng isang police major na nakatalaga sa Camarines Norte Police Provincial Office.
Graphics by RP Ocampo

POLANGUI, Albay, Philippines — Patay ang high school principal matapos barilin ng isa sa dalawang kawatan na naka-face masks makaraang magising sa ingay ng mga suspek na pilit binubuksan ang bintana sa ikalawang palapag ng kanilang bahay sa Napoville Subdivision, Brgy. Napo, Polangui ng lalawigang ito, kahapon ng madaling araw.

Isang tama ng ­punglo sa leeg ang agad ikinamatay ng biktimang si Beverly Ubante Cabaltera, 53-anyos, principal ng Pio Duran National High School at asawa ng isang police major na nakatalaga sa Camarines Norte Police Provincial Office.

Pinaghahanap naman ng mga pulis ang dalawang suspek na pawang nakasuot ng jacket na may hood at face masks, subalit malinaw na nakuhanan ng CCTV camera na nakakabit sa bahay ng biktima.

Sa ulat, dakong alas-3 ng madaling araw, dalawang suspek na armado ng maigsing uri ng baril ang nakaakyat sa terasa sa pangalawang palapag ng bahay ng biktima. Mula sa labas sinubukan umanong buksan ng mga kawatan ang bintana sa kuwarto ng biktima pero nagising ang ginang dahilan para paputukan siya ng isa sa mga suspek.

Dahil sa kalabog ng pagbagsak ng biktima, nagising at mabilis na sumaklolo ang mga anak nito hanggang sa nakitang nakahandusay at duguan ang walang malay na ina.

Tumawag ang mga kaanak sa Polangui Police Station na mabilis namang nakaresponde at isinugod ang biktima sa Isip General Hospital pero hindi na umabot nang buhay.

Show comments