7 nadakma sa drug ops sa Nueva Vizcaya
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Pitong katao ang dinakip ng mga awtoridad matapos ang isinagawang drug buy-bust operation sa bahagi ng Barangay Bonfal Proper sa bayan na ito kamakalawa ng madaling araw.
Kinilala ang mga nadakip na sina Adrian Reyes, 32, ng Barangay Baretbet, at Harvey Parucha, 24, ng Brgy. Quirino, pawang sa bayan ng Bagabag; Trisha Mae Rumbaoa, 19, residente naman ng Brgy. Bascaran, Solano; Jerwin Mina, 40, at Lornas Chumawin, 59, kapwa ng Brgy. District, Bayombong; Eisen John Ang, 33, ng Barangay Salvacion; at Alfredo del Rosario Jr., 49, ng Bonfal Proper sa bayan din na ito.
Ayon kay Police Major Joly Villar, hepe ng Prov’l Drug Enforcement Unit (PDEU), kasama ang mga operatiba ng Bayombong Police ay naglatag sila ng buy-bust operation na nagresulta sa pagkadakip ng mga suspek dakong alas-4:15 ng umaga sa Purok 5 ng nasabing barangay. Tinatayang nasa 15 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P202,500 ang nakuha ng mga awtoridad mula sa mga suspek.
Ayon pa kay Villar, maliban sa pagbebenta ng illegal na droga ay mahaharap din si Del Rosario sa iba pang kaso matapos umanong gawin na drug den ang kaniyang tirahan.
Pinasinungalingan naman ni Del Rosario ang mga droga na nakuha sa kanila. Ayon kay Del Rosario, bumisita lamang ang mga kasamang naaresto at hindi niya alam ang tungkol sa mga droga na nakuha sa kanyang bahay.
- Latest