6 lalawigan, Signal No. 1 kay ‘Maymay’
MANILA, Philippines — Anim na lalawigan sa bansa ang nakataas kahapon sa Signal Number 1, dulot ng bagyong Maymay na napanatili ang lakas habang mahinang kumikilos pakanluran timog kanluran ng Philippine Sea sa may Aurora, ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Alas-5 ng hapon kahapon, ang sentro ni Maymay ay nasa layong 265 kilometro ng silangan ng Casiguran, Aurora, taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 45 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 55 kilometro bawat oras.
Bunsod nito, nakataas sa Signal Number 1 ang mga lalawigan ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Aurora, Nueva Ecija at sa extreme northern portion ng Quezon (General Nakar, Infanta) kasama na ang Polillo Islands.
Nitong Martes hanggang ngayong umaga ng Miyerkules ay makararanas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa buong Cagayan, Isabela, Batanes, at Apayao. Mahina hanggang sa katamtamang pag ulan na minsa’y malakas sa Aurora, Abra, Kalinga, Mountain Province, at Ilocos Norte.
Sa susunod na 24 oras, sinabi ng PAGASA na maaaring maging maalon sa western seaboard of Central Luzon at mapanganib para sa maliliit na bangka.
Inaasahan na magla-landfall si Maymay ngayong Miyerkules ng hapon sa Aurora o sa northern portion ng lalawigan ng Quezon. Makaraan ito, ang sentro ni Maymay ay dadaan sa landmass ng Central Luzon bago magtungo sa may West Philippine Sea sa Huwebes ng umaga.
Si Maymay ay inaasahang lalakas bago mag-landfall. Dahil sa frictional effects, si Maymay ay magiging isang Low Pressure Area na lamang kapag lumapit na sa West Philippine Sea.
- Latest