GENERAL NAKAR, Quezon, Philippines — Kontrolado na ang diarrhea outbreak sa isang barangay sa bayang ito na kumitil sa buhay ng anim na katao kabilang huling limang katutubong Dumagat at sa pagkakasakit ng 33 iba pa.
Ayon kay Governor Dra. Helen Tan, sa pamamagitan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) at ng Armed Forces of the Philippines-Southern Luzon Command (AFP-SOLCOM) ay dinala ng pamahalaang panglalawigan sa malayong barangay na Upper Lumotan ang lahat ng serbisyong medikal upang mahadlangan ang pagkalat pa ng sakit.
Nagdala rin ng mga malilinis na inuming tubig ang pamahalaang panglalawigan kasabay ng pagsasailalim sa pagsusuri ng mga tinamaan ng sakit upang matukoy ang pinagmulan ng outbreak.
Ayon kay Governor Tan, natukoy ang pagkakasakit ng mga katutubong Dumagat nang bumaba sila mula sa bundok patungo sa pinakamalapit na barangay na Sta. Teresa sa Tanay, Rizal upang magpakonsulta sa isang medical mission noong September 29,2022.
Nakaranas umano ng mga pagdudumi, pagsusuka at pagkahilo ang naunang limang sumailalim sa pagsusuri at kinalaunan ay isinugod sa mga ospital sa mga bayan ng Tanay at Morong sa lalawigan ng Rizal. Gayunman ay binawian din ng buhay ang lima kinalaunan.
Tiniyak ng gobernador na bagamat napakalayo na ng Barangay Upper Lumotan sa mismong bayan ng General Nakar, Quezon ay pagkakalooban ng tulong at suporta ang mga residente dito na karamihan ay mga katutubong Dumagat.
Sa isa ring panayam, sinabi ni Mayor Esee Ruzol na tinitingnan ang maruming tubig na inumin sanhi ng pagkakasakit ng mga Dumagat. Aniya, ang mga katutubong Dumagat ay kumukuha ng tubig na maiinom mula sa mga sapa o ilog.
Nagpadala naman agad ng tulong ang General Nakar LGU sa iba pang mga katutubo na nagkasakit sa Brgy. Lumotan.
Samnatala, nilinaw ni Ruzol na ang 22 iba pa na nakaranas ng diarrhea ay mga residente ng Tanay, Rizal, batay sa ulat ng kanilang medical team.