Tserman, 6 pa timbog sa illegal quarry

Sa ulat ng NBI-Environmental Crime Division (EnCD), nagsagawa sila ng surveillance operations noong Setyembre 2 at 19 sa Brgy. Sta. Maria, ng naturang lungsod, at nakumpirma ang presensya ng isang quarry operation. Nang beripikahin sa lokal na pamahalaan at Department of Environment and Natural Resources (DENR), lumalabas na walng inaaprubahang permits para sa operasyon ng quarry sa naturang lugar.
STAR/File

MANILA, Philippines — Pito katao kabilang ang isang barangay chairman ang inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) makaraang mahuli sa akto na nag-o-operate ng illegal quarry sa bulubunduking bahagi ng Tarlac City sa lalawigan ng Tarlac.

Sa ulat ng NBI-Environmental Crime Division (EnCD), nagsagawa sila ng surveillance operations noong Setyembre 2 at 19 sa Brgy. Sta. Maria, ng naturang lungsod, at nakumpirma ang presensya ng isang quarry operation. Nang beripikahin sa lokal na pamahalaan at Department of Environment and Natural Resources (DENR), lumalabas na walng inaaprubahang permits para sa operasyon ng quarry sa naturang lugar.

Dahil dito, Oktubre 3 nang magkasa ng ope­rasyon ang NBI katuwang ang DENR-MGB Region III na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek na sina Barangay Captain Albert Mercado na umano’y tagapamahala sa iligal na quarry operation, kaniyang barangay councilor na si Arturo Dela Cruz, na nagsisilbi namang checker; mga tauhan na sina Joel Santos, Jesus Santos, Jessie Santos, Jonathan Santos at Jerry Espinosa. Nakumpiska sa kanila ang isang payloader at apat na trak na may kabuuang halagang P1.8 milyon.

Narekober din ang mga delivery receipts na nagpapakita na ang mga nakukuhang mga mineral sa quarry ay idinideliber nila sa mga lalawigan ng Cavite; Batangas at sa Gapan, Pampanga at iba pang lugar.

Sa imbestigasyon, ang kinikita sa quarry operation ay pinaghahatian umano nina Mercado at ng ilang tiwaling tauhan ng Tarlac provincial government sa 60:40 ratio na hatian.

Ang Royal Crown Monarch Inc., isang kumpanya na kinontrata ng Department of Public Works and Highways para sa konstruksyon ng mga proyekto sa Tarlac City ay kumukuha rin ng mga materyales sa iligal na quarry.

Show comments