Birthday party nauwi sa ospital:
MAGARAO, Camarines Sur, Philippines — Patay ang 35-anyos na lalaki habang 32 katao pa ang sumakit ang tiyan na pinaniniwalaang nalason ng kinaing nilupak na kamoteng kahoy sa Zone-3, Brgy. Carangcang ng bayang ito kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawi na si Helbert Cortezano, residente ng Zone-3, Brgy. Carangcang, Magarao, Camarines Sur. Nasa 32 namang residente, 9 dito ay mga bata ang sumakit ang tiyan pero sinabing nasa maayos nang kalagayan.
Sa ulat, naimbitahan ang biktima pati na ang kanilang mga kabarangay sa isang birthday party. Isa sa masarap na kinain nila ay ang nilupak, o kakanin na gawa sa kamoteng kahoy.
Ilang sandali, karamihan sa mga bisitang kumain ng nilupak ay sumama ang pakiramdam habang mas malala ang naramdaman ni Cortezano na nagsusuka at nagtae pero hindi agad nadala sa pagamutan dahilan para masawi.
Patuloy sa imbestigasyon ang Magarao Municipal Health Office para malaman kung ang kinain ngang nilupak ang dahilan sa pagkalason ng mga biktima.
Sa panayam ng Radyo Bicolandia sa ilang residente, matigas na umano ang nilutong kamoteng kahoy kaya giniling muna ito bago nilupak.