Mister tigok sa paglaklak ng alak

Ang biktima na nasawi matapos ubusin ang long neck na alak ay kinilalang si Richie Dumaloan, construction worker.
STAR/File

Kapalit ang P20,000…

MANILA, Philippines — Isang 28-anyos na mister ang nasawi ma­tapos tanggapin ang hamon na bibigyan ng P20,000 kung uubusin ang isang long neck na alak, naganap sa bayan ng Villanueva, Misamis Oriental.

Ang biktima na nasawi matapos ubusin ang long neck na alak ay kinilalang si Richie Dumaloan, construction worker.

Ayon kay Northern Mindanao police spokesperson Maj. Joann Navarro na ang insidente ay naganap noong linggo ng alas-10:00 ng umaga sa Melvic Beach Resort, Barangay Looc.

Nabatid na hinamon ang biktima ng mga kasama sa inuman na “Laklak Challenge” na kapag inu­bos nito ang isang long neck na alak sa loob ng 20 segundo ay bibigyan siya P20,000 mula sa isang Winefredo Dayle, isang negosyante sa Cebu na nagbabakasyon lang sa Misamis Oriental.

Tinanggap ni Duma­loan ang hamon na gagawin niya ito para sa kanyang ama na may sakit.

Matapos maubos ang alak ay bigla na lang itong nawalan ng ulirat at agad na dinala sa pinakamalapit na ospital bago inilipat sa Northern Minda­nao Medical Center sa Cagayan de Oro City na kung saan namatay ito kahapon, dakong alas-11:00 ng umaga.

Show comments