BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Tatlo ang nasawi kabilang ang isang dating Board Member matapos silang tambangan at pagbabarilin sa Barangay Dibutunan, Dipaculao, Aurora, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Narciso Amansec, 60, isang engineer at dating vice mayor ng Dipaculao at nagsilbi rin siyang board member sa ikalawang distrito ng Aurora; misis niyang si Merlina 61, at ang kanilang driver na si Leonard Talosa, 42, pawang residente ng Barangay Ipil sa nasabing bayan.
Ang tatlong biktima ay idineklarang dead-on-arrival ni Dr. Arturo Parilla ng Dipaculao Municipal Health Office dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, lulan ang mga biktima ng maroon na Isuzu DMax (CAU-1358) at bumabagtas sa kahabaan ng Baler-Casuguran Road nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Purok 1, Barangay Dibutunan dakong alas-5:45 ng hapon.
Dahil dito, agad na bumuo ng special investigation task group ang PNP para magsagawa ng malalimang imbestigasyon at matukoy ang nasa likod ng krimen.
Si Amansec na isang Engineer ay nagsilbi bilang provincial board member ng Aurora ng tatlong termino mula 1998 hanggang 2007 at naging vice mayor naman noong 2007 hanggang 2010.
Kaugnay nito, sumisigaw naman ng hustisya ang mga kaibigan, kamag-anak, pamilya at mga supporters ng napaslang na dating Bokal na si Amansec.
“Malungkot kong ibinabalita ang nangyaring insidente na naging sanhi ng pagpanaw ng ating kababayan na si dating bokal at dating vice-mayor ng Dipaculao Narciso Amansec. Marahas na pinaslang si Nar sa Brgy. Dibutunan kasama ang dalawa pang lulan din ng kanyang sasakyan,” pahayag ni Lone District Aurora Rep. Rommel Angara kahapon.
Sinabi ni Angara na dapat mahuli sa lalong madaling panahon ang mga salarin, pagbayarin ang mga ito sa batas upang mabigyang hustisya ang sinapit ng mga biktima.
“Mariin kong kinokondena ang walang awang pagpaslang sa isang kaalyado at kaibigan. Hindi maaaring kunsintihin ang anumang karahasan at kawalang katarungang kagaya nito, lalo na rito sa probinsya ng Aurora,” dagdag ni Angara.