SAN MIGUEL, Bulacan, Philippines — Bumuhos ang mga biyaya at tulong sa mga nasalanta ng bagyong “Karding” sa bayang ito.
Magkakasamang inihatid nina Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, Senador Ronald “Bato” Dela Rosa at Senador Robinhood Padilla ang nasabing mga tulong kung saan may inisyal na 500 na pamilya na lubhang naapektuhan ng bagyong Karding ang nabiyayaan.
Una rito nabigyan ng pinansyal na tulong na tig-P5-libo mula sa Assistance for Individuals on Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Mariola Santos, head ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), mayroon pang nakalinyang 400 pang mga benepisyaryo ng AICS na may kabuuang halaga na P2 milyon.
Binilinan naman ni Senador Go ang mga benepisyaryo na gamitin sa tama ang natanggap na tulong pinansiyal upang maging ganap ang pagbangon mula sa pagkakasalanta bunsod ng bagyo.
Maaari aniyang magamit ito bilang panimulang puhunan para magkaroon ng karagdagan at pangmatagalang pagkakakitaan.
Kalakip ng natanggap na AICS, pinagkalooban din sila ng tig-iisang grocery packs mula sa tanggapan ng senador. Iba pa rito ang food packs na ipinagkaloob ng Pamahalaang Bayan ng San Miguel at kahon-kahong noodles mula sa First Scout Ranger Regiment ng Philippine Army.
Nagbigay rin ng 500 food packs ang PAGCOR at DSWD kung saan makikinabang ang 3,300 na pamilya.