MANILA, Philippines — Sa gitna ng matinding delubyo ni super typhoon Karding, nagpasaklolo na sa pamahalaan si 3rd District Bulacan Rep. Lorna Silverio para tulungan ang kaniyang mga kababayan na matinding sinalanta ng kalamidad.
Si Silverio ay naghain ng House Resolution (HR) 439 na umaapela sa pamahalaang nasyonal na bigyan ng agarang ‘calamity assistance’ ang apat na munisipalidad na nasasakupan ng kaniyang distrito sa Bulacan na naapektuhan sa paghagupit ni Karding.
Nangangailangan ng agarang ayuda ang mga residente ng ikatlong distrito ng Bulacan tulad ng pagkain, tubig, damit, mga materyales sa pagtatayo ng bahay at iba pa.
Ang lady solon ay umapela sa pamahalaan para sa pagsasagawa ng relief and humanitarian operations sa mga naapektuhang residente sa kaniyang distrito. Ang bagyong Karding ay nanalasa noong Setyembre 25 kung saan nag-iwan ito ng malawakang pinsala sa 3rd District ng Bulacan.
Kabilang sa mga naapektuhang residente ay mula sa mga munisipalidad ng San Miguel, San Ildefonso, San Rafael at Doña Remedios Trinidad na nagsilikas sa mga evacuation centers sa gitna na rin ng malakas na mga pag-ulan at hangin sa kanilang lugar.