MANILA, Philippines — Dalawang sundalo ang kumpirmadong patay habang tatlong suspek ang naaresto kaugnay ng drug operation sa magkahiwalay na lugar sa Basilan kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Brig. Gen. Domingo Gobway, Joint Task Force (JTF)-Basilan commander, ang dalawang sundalo ay napatay, alas-3:00 ng madaling araw kahapon nang magpaputok ang mga tauhan ni Amiri Sarri, na kilalang drug suspect sa Barangay Maligue, Isabela City, Basilan.
Nabatid kay Gobway na isisilbi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang arrest warrant laban kay Sarri nang magpaputok ang mga tauhan nito at tinamaan ang dalawang sundalo.
Ang dalawang sundalo na kapwa miyembro ng Army 4th Special Forces Battalion sa Isabela City ay nagsilbing back up ng PDEA sa nasabing drug operation. Nakatakas naman sina Sarri at mga tropa nito.
Samantala, Setyembre 28 nang madakip ang mga drug suspect na sina Jomar Pantaleon, Wilhelm Manlangit, at Jol Hasim sa anti-drug operation nang salakayin ang kanilang drug den sa Barangay Maligaya sa Lamitan City, Basilan.
Umaabot sa 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P102,000, drug paraphernalia, P1,000 marked money, Android phone, at identification card ang nakuha mula sa mga suspek.