CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga, Philippines — Isinailalim ang lalawigan ng Nueva Ecija sa state of calamity kasunod ng matinding pananalasa ng Super Typhoon Karding.
Sa isinagawang special session ng Sangguniang Panlalawigan nitong Lunes, isang resolusyon ang ipinasa at inaprubahan na nagdedeklara sa Nueva Ecija ng state of calamity dahil sa inabot nilang pinsala sa paghagupit ng bagyong Karding.
Sa naturang resolusyon, binibigyan ng pahintulot ang provincial government na magamit ang local disaster risk reduction and management funds para sa kanilang relief and recovery programs.
“The Sangguniang Panlalawigan, after evaluating the report given by the Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) finds necessary the declaration of state of calamity necessary and with extreme urgency,” ayon sa resolusyon.
Nabatid na inirekomenda ng PDRRMC sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali ang pagpapasailalim sa state of calamity sa lalawigan dahil sa pagkasira ng kanilang agrikultura at imprastraktura dulot ng bagyo.
Kahapon, inanunsyo rin ng gobernador ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas, sa pribado at pampublikong paaralan sa Nueva Ecija. Gayunman, ang trabaho sa mga ahensya ng gobyerno at mga tanggapan doon ay manunumbalik.