IBA, Zambales, Philippines — Nasa 5,316 katao ang inilikas sa lalawigang ito sa pananalasa ng super typhoon Karding kamakalawa ng gabi na nagdulot ng pagbaha at pagkasira ng ilang kabahayan dulot naman ng malakas na ulan at hampas ng hangin.
Dalawa naman ang naiulat na nasawi sa Zambales kabilang ang isang residente sa bayan ng Cabangan na nakilalang si Angel Garcia, 60 anyos matapos tangayin ng tubig-baha sa kasagsagan ng bagyo, ayon sa Zambales Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Ayon kay Zambales Governor Jun Ebdane, dahil sa isinagawang preemptive evacuation ay nailigtas ang maraming buhay ng mga residente habang nasa ilalim ng Cyclone Warning Signal No. 5 ang lalawigan.
Ang mga residenteng inilikas ay mula sa 10 munisipalidad na ang karamihan ay mula sa bayan ng Santa Cruz na may bilang na 1,144 pamilya at 3,854 indibiduwal. Habang nasa 439 katao ang mula sa bayan ng Candelaria; 142 sa Masinloc; 16 sa Palauig; 78 sa Iba; 403 sa Botolan; 605 sa Cabangan; 14 sa San Narciso; 30 sa Castillejos; at lima sa Subic town.
Ayon pa kay Ebdane, matapos na makalabs ng bansa ang bagyo, nagsiuwi na rin ang karamihan sa mga evacuees sa kanilang mga bahay kamakalawa ng hapon.