Lola tinodas sa taga ng sariling apo
GUINOBATAN, Albay, Philippines — Karumaldumal na kamatayan ang sinapit ng isang 65-anyos na lola habang sugatan ang anak nito matapos na mag-amok ang 23-anyos na apo sa Purok-7, Sitio Binti, Brgy. Minto, Guinobatan, Albay, kamakalawa ng umaga.
Malalalim na taga sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan ang agad ikinasawi ng biktimang si Flora Lucena Ordoño, balo at residente ng naturang lugar.
Sugatan at patuloy na inoobserbahan ang anak nitong si Nida Ordoño Timkang, 34-anyos, may-asawa.
Arestado naman sa ginawang hot pursuit ng mga pulis ang suspek na si Gilberto Ordoño Guiriba, 23-anyos.
Sa ulat, alas-7:00 ng umaga sa hindi malamang dahilan ay biglang nagwala ang suspek habang iwinawasiwas ang hawak na itak at palapit na sinisigawan ang kanyang lola.
Bago pa nakatakbo ang matanda ay pinagtataga siya ng apo sa ulo at braso. Mabilis namang lumapit ang tiyaing si Nida para sawayin ang pamangkin pero ito naman ang binalingan at tinaga ng suspek.
Kahit sugatan ay patakbong pumasok ng bahay para makaiwas si Lola Flora pero sinundan siya ng apo at doon muling paulit-ulit na pinagtataga.
Matapos na duguang humandusay ang mga biktima ay tumakas ang suspek. Mabilis na isinugod ng mga kaanak ang sugatang mag-ina sa Josefina Belmonte Duran Memorial Albay Provincial Hospital sa Ligao City pero hindi na umabot nang buhay ang matanda.
Ginalugad ng mga rumespondeng pulis ang barangay para hanapin ang tumakas na suspek na agad namang naaresto.
- Latest