Governor ng Albay diniskuwalipika ng Comelec
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Naglabas na ng desisyon ang Commission on Elections (Comelec) na nagdidiskuwalipika kay Albay Governor Noel Rosal sa pagtakbo nito sa nagdaang May 9 elections.
Base sa inilabas na desisyon ng Comelec-First Division kahapon, Setyembre 19, sa pangunguna ni Presiding Commissioner Socorro Inting, nakitaan nila ng paglabag sa ilalim ng Section 68 ng Omnibus Election Code si Rosal na noon ay incumbent Legazpi City mayor at ng kanyang mga kasamang sina City Councilor Al Barizo, asawa nitong si mayoralty candidate Geraldine Rosal at ilan pa nang mamudmod sila ng tig-P2,000 sa mga tricycle drivers noong Marso 31, 2022 at tig-2,000 naman sa mga senior citizens noong Abril 2, 2022 kung saan may intensyong impluwensiyahan, mag-udyok at i-corrupt umano ang mga botante.
Ang disqualification case laban kay Gov. Rosal ay inihain noong Abril 11, 2022 ng kumandidatong city councilor at natalong si Joseph Almogila.
Ayon naman kay Gov. Rosal, ang naging desisyon ng 1st Division ng Comelec ay hindi pa pinal at executory at meron pa silang limang araw para magsumite ng motion for reconsideration sa Comelec en banc hanggang sa Setyembre 24.
Giit ni Rosal, kung ano man ang maging desisyon ng Comelec en banc na hindi papabor sa kanila ay puwede pa nilang iakyat ang usapin sa Supreme Court sa pamamagitan ng pagsusumite ng petition for certiorari.
Habang dinidinig umano ang usapin ng kanyang disqualification ay patuloy siyang mauupo bilang gobernador hangga’t wala pang finality at executory ang desisyon para bakantehin ang kanyang posisyon.
- Latest