DILG ipinasara POGO na ikinakabit sa 'human trafficking' sa Pampanga
MANILA, Philippines — Isang iligal na Philippine Offshore Gaming Operator ang ipinasara ng Department of the Interior and Local Government sa Pampanga matapos mapag-alamang may kaugnayan diumano ito sa human trafficking ng mga Tsino.
Pinangunahan ni Interior Secretary Benhur Abalos Jr. ang pagpapasara sa "Lucky 99 South Outsourcing Inc." kasama ang pwersa ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group, mga kinatawan ng Philippine Amusement Gaming Corporation at ilang barangay officials.
Ani Abalos, ilang taon nang pinatatakbo ang pasilidad nang wala man lang license to operate. Kamakailan lang nang masagip doon ng mga pulis ang isang Tsino na diumano'y kinidnap kasama ang 42 iba pang trafficked workers.
"In the meantime, tinutugis ng ating mga kapulisan ang mga iba pang implicated dito," ani Abalos sa isang pahayag, Lunes.
"Of course, tayo to exact accountability is, ginawa natin yung sulat sa PAGCOR at sa Securities and Exchange Commission para matukoy natin kung sino talaga dapat managot."
Habang isinasagawa ng pagsalakay at pagpapasara sa kumpara, umabot pa sa 40 Chinese nationals at nasa 200 iba pa sa hotel ang natagpuan. Karamihan sa kanila ay undocumented at walang pasaporte.
Una nang iniulat ng The STAR na isang security official ang nagsabing ilan sa mga POGO na binibigyang lisensya ng gobyerno ay nagsasagawa ng iligal na aktibidad. Ang ilan dito ay ang pag-kidnap daw at pagpatay sa ilan nilang tauhan para protektahan ang kanilang negosyo.
Noong nakaraang linggo lang din nang ibalita na na-kidnap ang isang Malaysian national matapos lumipad ng Pilipinas para makipagkita sa kanyang "boyfriend." Matapos nito ay pinagtrabaho pa raw ang babaeng biktima sa isang unregistered POGO.
"Sisiguruhin natin na lahat sila ay madocument nang maigi ng Bureau of Immigration kasi baka mamaya mabiktima na naman sila. Hindi ito tungkol sa Filipino o Chinese, bawat buhay maprotektahan natin, iyon ang importante dito," sabi pa ng DILG official.
"This is a strong statement sa mga kaibigan natin, hindi lamang sa dito sa Pampanga, kundi sa lahat. Magsumbong kaagad kayo sa kapulisan. Magtulungan tayo. Huwag kayong matakot."
"Ambilis umaksyon ng kapulisan natin. Wala pa sigurong mga 12 hours, nasolve kaagad nila ang isang kidnapping case sa lugar na ito kamakailan lamang. At hindi kami titigil dito. Tandaan nyo yan." — James Relativo
- Latest