TAGKAWAYAN, Quezon, Philippines — Sisimulan na ang konstruksyon ng pitong palapag na main building ng Maria L. Eleazar General Hospital (MLEGH) sa MLEGH Grounds sa Brgy. Munting Parang ng bayang ito matapos isagawa ang groundbreaking ng proyekto nitong Huwebes.
Ang seremonya ay pinangunahan nina Senator Christopher Lawrence “Bong” Go at Robinhood “Robin” Padilla, kasama sina DOH-Calabarzon Regional Director Ariel I. Valencia, Quezon Governor Angelina “Doktora Helen” D.L. Tan, Quezon 4th District Rep. Atorni Mike Tan at Tagkawayan Mayor Luis Oscar Eleazar.
Bukod sa groundbreaking para sa pangunahing istraktura ng MLEGH, pinasinayaan din ang ika-152 na Malasakit Center sa Pilipinas at ang two-storey Outpatient Building (OpD).
Ang proyekto ay nagkakahalaga ng kabuuang P725,000,000.00 sa ilalim ng Project Management Unit-Health Facility Enhancement Program (PMU-HFEP).
Kasunod nito, nagsagawa rin ng groundbreaking ceremony ng Super Health Center sa bayan ng Atimonan, Quezon gayundin ang turnover ceremony ng ilang medical equipment.
Maibibigay umano ng Super Health Center ang lahat ng pangunahing pangangailangan sa pangangalagang pangkalusugan sa lokal na antas.