BATANGAS, Philippines — Kalaboso ang isang barangay kagawad makaraang makunan ng mga baril at granada sa isinagawang raid sa kanyang bahay sa bayan ng Laurel nitong Biyernes ng umaga.
Kinilala ang suspek na si Rennel Canta, 44, may asawa, kagawad at residente ng Barangay Ticub sa nasabing lugar.
Sa bisa ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 66 Fourth Judicial Region Tanauan City, tinungo ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Intelligence Unit ng Batangas at Laurel Municipal Police ang tahanan ng suspek bandang alas-8:30 ng umaga.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang caliber 38 revolver, isang 9mm pistol, isang granada at iba’t ibang bala.
Mahaharap si Canta sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Qualified Unlawful Possession of Small Arms and Ammunitions) at Republic Act 9516 (Illegal Possession of Explosive).