ARITAO, Nueva Vizcaya, Philippines — Tatlong lalaki ang dinakip ng mga otoridad nang makumpiska sa kanila ang mahigit sa P4 milyon halaga ng mga iligal na narra sa isang checkpoint sa Barangay Calitlitan, Aritao, Nueva Vizcaya,kamakalawa ng hatinggabi.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Cecilio Macalos, 43, driver, residente ng Tower Ville, Minuyan Proper, City of San Jose del Monte, Bulacan; Armario Cahayagan, 50, helper, residente ng Barangay Kurbada, Norzagaray, Bulacan; at Arcadio Pascual, 50, Helper, residente ng Socbot, Pinukpok, Kalinga.
Ayon kay Forester Jay Marcial Jasmin, Team Leader at Project Development Officer 3 ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), umabot sa 8,155 board feet na mga first class na narra na nagkakahalaga ng P4, 077,500.00 ang kanilang nakumpiska sa tulong ng mga operatiba ng Aritao-PNP.
Ayon kay Jasmin, ang pagkahuli sa mga kontrabando ay batay na rin sa tip na ipinarating sa kanila kung saan tinukoy ang isang Fuso Truck na may plakang NDC 7499 at trailer bed plate No.130110 na naglalaman ng mga iligal na kahoy.
Wala namang maipakitang dokumento ang mga suspek nang pahintuin ang kanilang trak sa checkpoint ng DENR.
Ayon pa sa report, napag-alaman na galing umano ang mga iligal na kahoy sa lalawigan ng Kalinga at nakatakda sanang dalhin sa isang lugar sa Pasig City.