Grade 9 student natagpuang patay sa ilalim ng tulay
Tadtad ng sugat sa ulo at leeg
CAVITE, Philippines — Isang 16-anyos na Grade 9 student na umalis sa kanilang tahanan ng dis-oras ng gabi para makipagkita sa mga kaibigan ang natagpuang patay at hinihinalang ginahasa ng ilang kalalakihan, sa ilalim ng isang tulay sa Trece Martires City, kamakalawa.
Tadtad ng sugat sa ulo at leeg ang biktima na itinago sa pangalang “Nene”, residente ng Trece Martirez City, nang matagpuang nakahandusay sa may ilalim ng Forever Bridge ng Sunshine Ville Subdivision sa Barangay Cabuco ng nasabing lungsod.
Agad namang natukoy sa follow-up investigation ng Trece Martirez Police ang pangalan ng isa sa apat na suspek sa krimen na si Elden Alegria, 33-anyos, construction worker at residente ng Brgy. Cabuco, Trece Martirez City.
Sa pagsisiyasat, alas-10:35 ng umaga na nang mapansin ng mga nagdaraang residente sa tulay ang nakahandusay na biktima.
Sa pagsusuri ng mga imbestigador sa bangkay, nakitaan ito ng mga sugat sa ulo at leeg at may senyales na posibleng inabuso base sa mga narekober na ebidensya sa lugar.
Ayon sa magulang ng biktima, alas-10 ng gabi umano ng nagdaang araw nang umalis ang biktima sa kanilang bahay upang pumunta sa mga kaibigan.
Gayunman, hindi na umano nakauwi ang dalagita at kinabukasan ay nabigla ang kanyang pamilya sa balitang natagpuang patay ang una sa ilalim ng nasabing tulay.
Samantala sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, nakausap umano ng mga pulis ang live-in partner ni Alegria na si Emilda Aberilla, 46-anyos, ng nasabi ring lugar at sinabing ang mga narekober na kagamitan kung saan nakita ang bangkay ng biktima ay pag-aari umano ng kaniyang kinakasama.
Nabatid na narekober ng mga pulis sa crime scene ang isang kulay asul na brief, patalim na may bahid ng dugo, pulang sumbrero na may tatak na “Timberland”, isang kulay pink na face towel at dalawang pares ng kulay asul na tsinelas.
Ayon sa pulisya, apat na katao ang lumalabas na “persons of interest” sa krimen at isa na rito ang natukoy na suspek na si Alegria.
Isinailalim na sa autopsy ang bangkay ng biktima upang mabatid ang sanhi ng kamatayan nito at upang makumpirma kung siya ay ginahasa.
Patuloy ang isinasagawang manhunt operation ang pulisya laban sa natukoy na suspek at iba pang kasamahan.
- Latest