4 hinatulan sa ‘rice smuggling’ sa Bataan

Guilty beyond reso­nable doubt na may petsang September 5, 2022 ang ibinabang hatol ni MCTC Pilar-Orion Judge Maricar Dela Cruz- Buban laban kina Randy Castillo; Romel Garcia; Nelson Garbo at Arnold Medillo na pawang mga akusado sa kasong Agricultural Smuggling partikular sa bigas na paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.
The STAR / Michael Varcas, file

Orion, Bataan, Philippines — Sa kulungan ang sadlak ng apat na indibidwal matapos mahatulan ng “guilty” ng Orion-Pilar Municipal Trial Court kaugnay sa “Rice Smuggling” sa Orion na nitong nakaraang taon sa Orion Dockyard sa bayang ito.

Guilty beyond reso­nable doubt na may petsang September 5, 2022 ang ibinabang hatol ni MCTC Pilar-Orion Judge Maricar Dela Cruz- Buban laban kina Randy Castillo; Romel Garcia; Nelson Garbo at Arnold Medillo na pawang mga akusado sa kasong Agricultural Smuggling partikular sa bigas na paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.

Binabaan ng korte ng hatol ang mga aku­sado na mabilanggo ng tatlong taon at anim na buwan hanggang apat na taon at walong buwan.

Matatandaang noong February 24, 2021 nasabat ng Customs ang barkong “LCT Yellow River” na lulan nito ang libu-libong sako ng mga puslit na bigas na abot sa P260 mil­yon ang halaga nito, kung saan naaktuhan o inabutan ng mga otoridad ang mga trak na nagkakarga ng mga kontrabandong bigas.

Director noon ng En­forcement and Security Service (ESS) si Customs Commissioner Yogi F. Ruiz nang masabat ang mga kontrabando kung saan maagap na naaresto at nasampahan ng mga kaukulang kaso ang mga akusado.

Matagumpay na napatunayan ng Prose­cution Team na pina­ngunahan ni Prosecutor Dennis Beber, base na rin sa mga testimonya ni BoC Port of Limay District Collector Atty.William Balayo at mga kasamahan nito.

Kaugnay nito, patuloy pang nililitis sa hukuman ang mga iligal na pag-angkat ng sigarilyo at gayundin ng Court of Tax Appeals ang Large Scale Agricultural Smuggling laban sa mga akusado.

Patuloy na nanawagan ang Customs sa mamamayan na huwag tangkilikin ang mga smuggled na produkto na maaaring makasama sa kalusugan ng tao. - Doris Franche

Show comments