CALAMBA CITY, Laguna, Philippines — Isang K9 dog handle na nagpakilalang sundalo ng Philippine Army ang inaresto sa loob ng KTV bar dahil sa pagdadala ng armas sa isinagawang “Oplan Bakal” sa Barangay Parian, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Lt. Col. Alexy Sonido, City police chief, ang suspek na nakilalang si Crisanto Manzano Jr., K-9 dog trainor ay hindi na pumalag nang dakpin ng mga pulis na nagsasagawa ng routine patrol sa mga establisimyento sa loob ng Amparo KTV bandang alas-12:30 ng madaling araw.
Naispatan umano ng mga pulis ang nakabukol na baril sa kaliwang bahagi ng bewang ng suspek at nang sitahin ay nabigo siyang magpakita ng dokumento nito o permit to carry firearm sanhi upang siya ay arestuhin.
Nagpakilala pa umano ang suspek na miyembro ng Armed Forces of the Philippines at ipinakita nito ang isang AFP I.D. na may ranggong Private First Class Enlisted Personnel pero lumalabas na ito ay “fictitious” o peke.
Paglabag sa “usurpation of authority” at “illegal possession of firearm” ang inihahandang kaso laban sa suspek.