11-anyos dinukot sa palikuran, nakatakas  

Sa ulat ng awtoridad, nangamba ang mga magulang ng naturang bata matapos na hindi nakauwi sa kanilang tahanan nitong Martes ng gabi matapos siyang pumasok sa isang toilet sa kanilang lugar.
STAR/ File

BAGUIO CITY, Philippines — Isang 11-anyos na batang lalaki ang dinukot ng isang lalaki habang nasa isang palikuran subalit nagawa nitong makatakbo at makatakas sa Barangay New Tanglag, Tabuk City, Kalinga, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng awtoridad, nangamba ang mga magulang ng naturang bata matapos na hindi nakauwi sa kanilang tahanan nitong Martes ng gabi matapos siyang pumasok sa isang toilet sa kanilang lugar.

Bunsod nito, hinanap ng mga magulang ang naturang bata subalit naglahong parang bula at hindi nila matagpuan.

Agad nilang inireport sa kanilang mga kamag-anak at mga residente ang pagkawala ng totoy kaya nagsagawa ng ma­lawakang paghahanap katuwang ang mga opis­yales at tanod ng barangay.

Habang nagpapatrolya ang search team sa naturang lugar, naispatan nila ang bata na takot na takot at tumatakbo patungo sa kanila.

Ayon sa bata, nagtungo siya sa palikuran para umihi nang bigla na lang siyang sunggaban ng isang lalaki mula sa likuran at tinakpan ang kanyang bibig.

Binantaan pa umano ng lalaki ang biktima na huwag sisigaw habang tinatangay nito palayo sa lugar.

Gayunman, isang putok ng baril ang na­rinig na ikinaalarma ng kidnapper at bigla nitong nabitawan ang bata kaya sinamantala ng biktima na tumakbo hanggang sa marating ang lugar na kinaroroonan ng mga naghahanap sa kanya.

Nagtamo ang bata ng sugat sa tuhod at agad dinala sa ospital upang mabigyang lunas.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa insidente.

Show comments