LABO, Camarines Norte, Philippines — Nasapol ng ligaw na bala ang 17-anyos na binatilyo habang masayang nakikipaghuntahan sa kanyang mga kaibigan sa tabi ng kalsada sa Purok-1, Brgy. Calabasa ng bayang ito kamakalawa ng gabi.
Sinubukan pang isugod sa Camarines Norte Provincial Hospital pero hindi na umabot nang buhay ang biktimang si Gremar Balatero Basto, residente ng Purok-1, Brgy. Calabasa, Labo, Camarines Norte.
Sa ulat, dakong alas-8 ng gabi, masayang nakikipagkwentuhan ang biktima sa kanyang mga kaibigan sa tabi ng kalsada nang makarinig sila ng malakas na putok ng baril.
Ilang sandali ay nagsabi si Basto sa mga kaibigan na masakit ang kanyang kaliwang bahagi ng tagiliran at nakitang dumudugo ito.
Mabilis nilang isinugod sa Labo District Hospital pero dahil sa maselang lagay ng binatilyo ay sinubukang ilipat sa ibang pagamutan pero idineklara na siyang dead-on-arrival.