Mag-utol, 2 pa timbog sa P4.76 milyon shabu
CAMP GEN. SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines — Nasa 4.76 milyong pisong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at mga pulis habang apat katao ang arestado sa ginawang magkahiwalay na buy-bust operation sa lalawigan ng Camarines Sur kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na sina Edcel Porsona Dellagas, 35-anyos at kapatid nitong si Richard, 39; pawang taga-Zone-3, Brgy. Sigamot, Libmanan, Camarines Sur; Alvin Conmigo Bonifacio, 33, at Jomel Martirez Abeca, 33; kapwa ng Zone-7, Brgy. Sta. Cruz Ratay, Calabanga.
Sa ulat, dakong alas-8:37 ng gabi, sa koordinasyon sa PDEA ay inilatag ng mga tauhan ng Police Regional Drug Enforcement Unit 5, 501st Regional Mobile Force Batallion 5, Naga City Police Intelligence Unit at Libmanan Police ang buy- bust operation sa magkapatid na Dellagas sa kanilang bahay sa Zone-3, Brgy. Sigamot, Libmanan.
Hindi na nagawa pang makatakas ang magkapatid nang arestuhin ng mga operatiba makaraang iabot sa poseur buyer ang biniling droga.
Nakuha sa mga suspek ang malalaking bungkos ng plastic na may lamang shabu na tumitimbang ng 200-gramo at nagkakahalaga ng P1,360,000.
Dakong alas-11:50 naman ng gabi sa tulong ng Calabanga Police ay magkatuwang na inilatag ng mga ahente ng PDEA-Catanduanes, PDEA-Masbate at PDEA-Camarines Sur ang buy-bust operation laban kina Bonifacio at Abeca sa Zone-7, Brgy. Sta. Cruz Ratay, Calabanga.
Walang kawala ang mga suspek makaraang makumpiska sa kanila ang malalaking sachet ng shabu na may timbang na 500-gramo at nagkakahalaga ng P3,400,000.
Umaabot umano lahat sa 700 gramo ang nabawing shabu mula sa apat na suspek sa dalawang operasyon na nagkakahalaga ng P4.76 milyong.
- Latest