CAVITE, Philippines — Isang tama ng bala sa dibdib ang tinamo ng isang padre-de-pamilya mula sa mga rumespondeng pulis matapos nitong i-hostage ang kanyang buong pamilya nang maburyong kahapon ng madaling araw sa Brgy. Anabu 2-D, Imus City.
Kasalukuyan ngayong inoobserbahan sa pagamutan ang suspek na nakilalang si Cornelio Andrada Bautista, 52- anyos ng nasabing lugar dahil hiniling nito ang insidente.
Ligtas naman at walang nasugatan sa limang miyembro ng pamilya na hinostage ng suspek na nakilalang sina Jonlyn Solo Bautista, misis ng suspek, 40-anyos; Linalyn S. Bautista, 17-anyos, Lynielle S. Bautista, 16-anyos, Lionell John S. Bautista, 14-anyos at Lord Chekerson S. Bautista, 11-anyos, mga anak ng suspek.
Sa imbestigasyon, alas-12:50 ng madaling araw ng maganap ang pangho-hostage ng suspek sa kaniyang asawa at mga anak sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Brgy. Anabu 2-D, Imus City, Cavite.
Armado ng baril, nagwala ang suspek hanggang sa tinutukan nito ang kaniyang pamilya. Agad na rumesponde ang SWAT team at Imus Police at sinimulan ang negosasyon sa suspek.
Nang makita ng suspek ang kapulisan na nakapalibot sa kanilang bahay, lalo itong nagwala at itinutok ang kaniyang baril sa kapulisan at akmang ipuputok ito.
Dito na binaril ng isa sa kapulisan ang suspek na tinamaan sa itaas na bahagi ng dibdib nito.
Duguang bumagsak ang suspek na agad namang naitakbo sa pagamutan. Sa pagsisiyasat ng pulisya, matinding selos ang nagtulak sa suspek na gawin ang panghohostage.
Wala namang nasaktan sa mga miyembro ng pamilya nito.