MANILA, Philippines — Hinamon kahapon ni Lone District Sta. Rosa City, Laguna Rep. Dan Fernandez ang mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na arestuhin sa lalong madaling panahon ang mga nasa likod ng pananambang at pagpatay sa hepe ng Ampatuan Police at aide nito, at pagkasugat ng tatlo pang pulis sa Maguindanao.
Sa nasabing pananambang, nasawi si Ampatuan chief of police Lt. Reynaldo Samson at Corporal Salipudin Endab na kasamang magsisilbi sana ng warrant of arrest sa wanted sa batas na si “Kamir Kambal” sa kasong robbery sa Brgy. Kapinpilan, Ampatuan, Maguindanao noong Agosto 30. Sugatan ang tatlo pang pulis na sina M/Sgt. Renante Quinalayo, Corporals Rogelio dela Cuesta Jr. at Mark Clint Dayaday sa insidente.
Sinabi ni Fernandez, chairman ng House Committee on Public Order and Safety na dapat sagutin at ipaliwanag ng BARMM officials kung bakit kailangang humingi muna ng permiso ang pulisya sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) dahil ang teritoryong kanilang papasukin ay kontrolado ng naturang grupo.
Aniya, hindi niya maintindihan kung bakit kailangan pang humingi ang mga pulis ng permiso sa MILF para lamang arestuhin ang nasabing wanted person.
Paliwanag ng kongresista, mismong kay PNP chief P/Gen. Rodolfo Azurin Jr. na nanggaling ang pag-amin na kailangang humingi ng persmiso sa MILF kung may aarestuhing wanted na nagtatago sa kanilang balwarte.
“There is only one Philippine National Police, there is only one Armed Forces of the Philippines and we are here to serve our countrymen. Why do our police personnel need to seek permission?” ayon kay Azurin sa nakalipas nitong press conference.
Inihayag ni Fernandez, sobrang seryoso ng bagay na ito sa kasalukuyang set-up sa pagpapanatili ng peace and order sa BARMM areas.
“We hope our brothers in the BARMM will prove wrong the statement made by Gen. Azurin. They can do this by capturing those behind the killings,” diin ni Fernandez.