BAGUIO CITY, Philippines — Isang sundalo ang nagbuwis ng buhay habang isa pa ang sugatan matapos ang umaatikabong sagupaan ng militar at komunistang grupo sa Gen. Tinio, Nueva Ecija, nitong Huwebes ng umaga.
Kinilala ang napatay na si Private Jaylord Hipolito habang ang sugatan ay si Private First Class Francis Lictawa, pawang miyembro ng Philippine Army.
Si Hipolito ay napaslang matapos ang engkuwentro sa pagitan ng 84th Infantry Battalion ng Philippine Army at mga rebeldeng New People’s Army sa Barangay Rio Chico ng nasabing bayan dakong alas-10 ng umaga.
Mula sa naturang lugar, nabatid na inilipad naman ang sundalong si Lictawa patungong Fort Magsaysay Station Hospital para malapatan ng lunas.
Ayon kay Lt. Col. Enrico Gil Ileto, commander ng nasabing battalion, nagsasagawa ng combat operations ang tropa ng pamahalaan nang kanilang masabat ang mga rebelde na patuloy umanong nananakot at nangha-harass sa mga komunidad.
Sinabi ni Ileto na may mga casualties din sa panig ng mga rebelde.
“Malaking dagok itong engkuwentro na ito laban sa teroristang NPA na matagal nang namamayagpag sa gahaman na panlilinlang sa mga locals sa kabundukan ng Barangay Rio Chico. Simula na ito ng tuluyan nilang pagbagsak,” pahayag ni Ileto.
Kasabay nito, nagpahatid ng pakikiramay ang Philippine Army mula kay Ileto sa naulilang pamilya ng nasabing sundalo.
“Ipinaparating namin ang aming pakikiramay sa pamilya ng sundalong nasawi. Ang kanyang pagkamatay para sa kapayapaan at kaayusan para sa mamamayan ay hinding-hindi namin makakalimutan. Saludo kami sa iyo!,anang opisyal