Motorsiklo vs van: 1 patay, 2 sugatan

LIGAO CITY, Albay, Philippines — Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang rider habang dalawa ang sugatan matapos makabanggaan ang kasalubong na commuter van sa kahabaan ng Maharlika National Highway sa Brgy. Binatagan ng lungsod na ito kamakalawa ng umaga.

Dead-on-arrival sa Josefina Belmonte Duran Albay Provincial Hospital ang biktimang si Joylan Maraña Borabon, 45-anyos, binata, residente ng Brgy. Esmeralda, Pilar, Sorsogon.

Sugatan naman ang driver ng kabanggaang van na si Mario Bueno Per, 44-anyos, ng NPC Mendez Road, Baesa, Quezon City at pasaherong si Joseph Pradia Owog-owog, 43-anyos ng Paco, Manila.

Sa ulat, alas-5:00 ng umaga ay mabilis na binabagtas ng Rusi Macho 125 na minamaneho ni Borabon ang kahabaan ng highway patungong Polangui.

Gayunman, pagdating sa crossing ng Brgy. Binatagan, Ligao City, Albay ay biglang lumiko pakaliwa ang Toyota Hi-Ace Commuter Van (NET-1697) na minamaneho ni Per.

Sa lakas nang banggaan ay walang malay na isinugod sa pagamutan ang rider kasama ang dalawang sugatang sakay ng van pero hindi na umabot nang buhay ang una.

Show comments