MALOLOS CITY, Philippines – Dahil sa pagkasira ng mga daan dulot ng labis na pagmimina sa Bulacan, sinuspinde ni Gov. Daniel Fernando alinsunod sa nilagdaan nitong Executive Order No. 21 ang lahat ng permit sa pagmimina, quarrying, dredging, desilting at iba pang uri ng mineral extractive operations sa Bulacan.
Sa ginanap na talakayan ng mga mining stakeholders at iba pang apektadong sektor sa pangunguna ng Bulacan Environmental and Natural Resources Office (BENRO) sa The Red Arc Events Place sa Brgy. Wawa, Balagtas, Bulacan noong Miyerkules, ipinaliwanag ni Fernando na ibinaba niya ang kautusan bunga ng patuloy na pagkasira ng mga kalsada dulot ng “overloading” ng mga sasakyang nagkakarga ng mga land minerals o iba pang kalakal.
Dumalo sa talakayan ang mga kinatawan ng Bulacan Police Provincial Office sa pangunguna nina P/Col. Charlie Cabradilla; Engr. Henry Alcantara ng Bulacan, 1st District Engineer ng DPWH; Engr. Reynaldo Cruz, Provincial Mining Regulatory Board ng Mines and Geosciences Bureau-Region 3, at Carina Macapagal, hepe ng LTO Malolos District Office.
Idiniin ni Fernando na ang kagustuhan niyang wakasan ang mga ilegal at labis na pagmimina sa lalawigan.
Ang mga mapapatunayang lumabag sa Executive ay magbabayad ng multang P5,000 bawat paglabag; pagkakakulong ng hindi bababa sa anim na buwan ngunit hindi hihigit sa isang taon at pagbawi sa kanilang mga permit.
Samantala, nilinaw ni Julius Victor Degala, pinuno ng BENRO na kasalukuyang ipinatutupad ng lalawigan ang “no excessive volume policy” na nakapaloob sa Provincial Ordinance C-005 o ang Environmental Code of the Province of Bulacan na nagtatakda ng limitasyon sa volume ng bawat trak.
Ipapatupad rin ang mahigpit na pagbabantay sa mga checkpoint at magtatakda ng isang tiyak na paraan ng beripikasyon alinsunod sa patakaran.