2 todas, 2 sugatan sa ‘drug den’ sa Antipolo

Ang mga biktimang nakilalang sina John Albert Padasay, alyas ‘Bidek,’ at Francis Labuta ay kapwa dead-on-the-spot dahil sa mga tama ng bala sa ulo.
STAR/File

MANILA, Philippines — Patay ang dalawang katao habang dalawang iba pa ang sugatan nang pagbabarilin ng mga ‘di kilalang salarin sa isang bakanteng bahay na ginagawa umanong drug den sa Antipolo City, Rizal kamakalawa ng gabi.

Ang mga biktimang nakilalang sina John Albert Padasay, alyas ‘Bidek,’ at Francis Labuta ay kapwa dead-on-the-spot dahil sa mga tama ng bala sa ulo.

Samantala, nagtamo rin ng tama ng bala sa ulo ang ikatlong biktima na hindi pa nakikilala at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa ‘di tinukoy na pagamutan.

Sugatan din matapos tamaan ng ligaw na bala ang ikaapat na biktima na si Evangeline de Jesus na nilalapatan ng lunas sa Antipolo District Hospital.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, alas-11:30 ng gabi ng Lunes nang pagbabarilin ng mga salarin sina Padasay at Labuta sa ulo sa loob mismo ng bakanteng paupahang bahay na sinasabing pinagdarausan ng pot session sa Lantion Compound, Road 28, Bagong Nayon ng lungsod.

Mabilis namang nakatakbo palabas ng bahay ang ikatlong biktima, ngunit hinabol siya ng isa sa mga suspek at binaril sa ulo habang tinamaan ng ligaw na bala sa likod si De Jesus.

Isa sa mga anggulong iniimbestigahan ng pulisya sa krimen ay ilegal na droga matapos matukoy na si Padasay ay dati nang naaresto sa isang buy-bust operation.

Narekober sa crime scene ang ilang drug paraphernalia.

Show comments