2 sa 4 na minasaker sa loob ng kotse sa Rizal, kilala na

MANILA, Philippines — Natukoy na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawa sa apat na katao na pawang natagpuang patay sa loob ng isang kotse sa Rodriguez, Rizal kamakalawa.

Ayon kay Rizal Provincial Director Police Col. Dominic Labbao Baccay, ang dalawang biktima ay nakilalang sina Robert Ryan Amarillo, 40, may-asawa at residente ng 164 E. Granja St., Barangay Otso, Lucena City at Carl Pabalan, alyas “Nonoy”, 51, biyudo, ng Blk. 50 Lot 16 Lumina Homes, Barangay Isabang, Tayabas City, Quezon.

Samantala, patuloy pa ring kinikilala ang dalawa babaeng kasama sa natagpuang patay sa sasakyan.

Matatandaang ang mga bangkay ng apat na biktima ay natagpuan sa loob ng kulay grey na kotse na ipinarada sa ilang na lugar sa sitio Licao-Licao, Barangay Macabud dakong alas-5:00 ng madaling araw.

May mga tama ng bala sa ulo at katawan ang mga biktima.

Hinala ng pulisya na posibleng hindi sa loob ng sasakyan pinatay ang mga biktima at inilagay lamang sila roon dahil sa kakaunti lamang ang dugo sa loob nito.

Mayroon ding nakitang apat na sachet ng pinaghihinalaang shabu sa loob ng kotse kaya’t inaalam na ng mga otoridad kung may kinalaman ang krimen sa ilegal na droga.

Ayon kay Baccay, bumuo na ang Rizal PPO ng Special Investigation Task Group (SITG) na siyang tututok sa imbestigasyon.

Show comments