COED naglayas, natagpuang patay sa ilog!
Matapos makagalitan ng magulang
MARILAO, Bulacan, Philippines — Patay na nang matagpuan habang palutang-lutang sa ilog ang isang dalagang estudyante na naglayas makaraang makagalitan ng magulang, kamakalawa ng umaga sa Brgy. Nagbalon ng bayang ito.
Kinilala ng Marilao Police ang biktima na si Julliana Marie Pansacula Billiones, 20-anyos, 1st year college student at residente ng Brgy. Saog, Marilao, Bulacan.
Sa report ng pulisya, nadiskubre ang bangkay ni Billiones bandang alas-8:00 ng umaga noong Sabado, sa Marilao-Meycauayan-Obando River, sakop ng Brgy. Nagbalon.
Nauna rito, dumulog ang isang ginang sa himpilan ng pulisya bandang alas-11:30 ng gabi noong Biyernes, upang humingi ng tulong para mahanap ang kanyang anak. Aniya, lumayas ang anak matapos silang magkasagutan noong Huwebes ng gabi at hindi na nakabalik.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, bandang alas-9:00 ng umaga ng Sabado, isang tawag ang natanggap ng pulisya na may natagpuang bangkay na nakalutang sa naturang ilog.
Agad tumulak ang mga pulis sa lugar para beripikahin ang impormasyon hanggang sa tumambad sa kanila ang bangkay na tumugma sa damit na suot ng babaeng nawawala.
Dahil dito, ipinagbigay-alam sa pamilya ang naturang impormasyon at nang dumating ang ina ay kinumpirma na ito ang kanyang anak.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na sa tuwing napapagalitan ng kanyang mga magulang ay nagtatangka umanong magpakamatay ang biktima.
- Latest